Friday, January 31, 2014

Pinakamamahal



Pinakamamahal
Akda ni: Caryljae C. Reyes

Sa aking pagsilang haplos mo’y ramdam ko
Higpit ng iyong yakap ang siyang nais ko;
Tamis ng iyong labi ay dumaplos sa aking pisngi
Init ng iyong pagmamahal ang sa aki’y manatili

Ngayong ako na ay malaki
Natuto sa iyo ng tama at mali
Disiplina, pangaral at patnubay ay sa iyo nagsimula
O, aking ina ikaw nga ay tunay na dakila

Binuhos mo ang iyong oras at pawis
Sa pag-aaruga na walang kapantay at labis
Nagsilbi kang ilaw sa ating munting tahanan
Dakilang pag-ibig mo’y hindi nagmamaliw kailanpaman

Ngunit nasaan na ang dating haplos at yakap?
Nasaan ka na aking pinakamamahal?
Hindi magawang hindi umiyak at tumingin sa alapaap;
Labis na nangungulila sayo, ina kong mahal

Inay, inay bakit ang bilis mo naman kaming iwan?
Ang iyong paglisan ay nagmarka ng lungkot’ pighati sa ating tahanan
Marahil mahigit isang taon ka ng nawala
Ngunit heto pa rin ako’t sadyang nangungulila

Inay, inay pakakatandaan mo;
Ang pagmamahal ko para sayo ay kailanman hindi magbabago
Isang ina na nagsakripisyo para sa kanyang mga anak;
Tunay na katangi tangi at maipagmamalaki ng lahat

Kahit sa sandaling panahon ay naksama namin ang isang tulad mo;
Lubos na nagpapasalamat sa Panginoon dahil ikaw ang naging ina ko
At alam kong hindi pa ito ang huli, Inay;
Sapagkat natitiyak kong sa tamang oras ay makikita kitang muli sa kabilang buhay.

No comments:

Post a Comment